Glitter text generator

Pages

Wednesday, August 10, 2011

SI P-NOY PARA SA MGA PINOY


            Marami sa atin sa panahon ngayon, ang nag-iisip kung ano na nga ba ang mga nagawa ng bagong administrasyon na namamahala sa ating bansa. Sa ating bagong presidente, nagagawa ba niya ang kanyang tungkulin sa ating bayan?
            Para sa akin, hindi ko pa masyadong nakikita o nararamdaman ang pagbabago sa ating bayan. Dahil na rin siguro nag-uumpisa pa lamang sa pamumuno si PNOY. Sa kanyang pamamahala, mayroon na rin naman na siyang naitulong sa bayan, lalo na sa mga mahihirap. Nagbigay siya ng mga pabahay sa mga ito. Ngunit, lahat ba ng mahihirap sa ating bansa ay nabigyan ng mga ito? Marahil ay wala pa sa kalahati o nasa kalahati na ng bilang ng mga pamilyang naghihirap ang natulungan. Marami- rami na ring Pilipino ang nabigyan ng oportunidad upang makapagtrabaho at makatulong sa kanilang pamilya. Ngunit, sapat ba ang sahod na kanilang natatanggap para sa kanilang pamilya?
            Ilan lamang ito sa mga alam kong nagawa ng pangulo sa ating bayan. Hiling ko na sana ay maisagawa ng pangulo ang lahat ng kanyang plano o proyakto para ikauunlad ng bansa. Ngunit lahat tayo ay dapat magtulungan para makamit at matikman ng bawat Pilipino ang inaasam-asam na pagbabago.

Tuesday, August 9, 2011

ANG AWIT NG AKING BUHAY


Patuloy Ang Pangarap

'Di pa rin makapaniwala Sa lahat ng nangyari
Pangarap parang kailan lang Sa panaginip ko'y nakita
Ngayon ay dumating ng bigla sa aking buhay
Di naubusan ng pagasa ako'y nanalis sa...

Chorus:

Isang Pangarap, ako'y naniniwala
Ako ay lilipad at ang lahat makakakita
Sa isang pangarap ako'y naniniwala
Hindi ako titigil hangga't aking makakaya
Unti-unting mararating, tagumpay ko'y makikita
Patuloy ang pangarap pangarap...

'Di pa makapaniwala sa aking nakikita
Lahat ng panalangin ko, ngayon may kasagutan
Lahat ng pinagdaanan at pinaghirapan
Nagbigay ng kalakasan upang marating ang...

Repeat Chorus

Kahit saan, kahit kailan
Alam kong ako'y patungo
Sa marami pang tagumpay

Repeat Chorus

Patuloy ang Pangarap...

     
   
    May mga pagkakataong tayong mga tao ay madaling mawalan ng pag-asa. Pag-asa na sana ay hawak pa natin sa ating mga kamay. Ngunit mayroon din namang punto na dumrating talaga ang mga kabiguan sa ating buhay. Kabiguang dala ng problemang hindi natin nakaya. 

     Ito ang napili kong awit. Awit na maihahalintulad ko sa aking buhay. Minsan may mga bagay na humahadlang sa akin upang makamit ko ang aking mga pangarap. May mga tao rin naman humihila sa akin paibaba. Ang hirap ng ganoong kalagayan. Pero, heto ako, naniniwala pa rin sa aking sarili. Naniniwala ako na aking maaabot ang aking mga pangarap. May mga pagkakataon na sumasagi sa aking isipan ang sumuko. Ngunit aking naiisip na kung ako ay susuko, paano na ang aking mga pangarap na matagal ko nang pinagsisikapan upang aking mapasakamay. Paano na ang aking kapamilya na siyang  aking tutulungan kung ako'y nagtagumpay, mabibigo ko lamang sila. 

     Gaya nga ng sabi sa kanta, hindi ako susuko at gagawin ko ang lahat upang maabot ko lamang ang aking mga minimithi. Patutunayan ko sa mga tao na kaya kong magtagumpay. Lagi kong itinatinim sa aking isipan na kaya ko. At nananalig din ako sa Poong Maykapal, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghingi ng tawad, paghingi ng gabay sa araw-araw na pamumuhay nang sa gayon ay lagi kong makayanan ang bawat bigat na dala ng mga dumarating na problema sa buhay.

     Dasal ko, na sana dumating 'yong araw na masasabi kong "Nagtagumpay ako!".

 

Monday, August 8, 2011

SAMPUNG TAON MULA NGAYON, HETO NA AKO!

      Bawat isa sa atin ay may pangarap sa buhay. Pangarap na pilit nating inaabot. Sa pamamagitan ng pagsisikap at pagtitiyaga, naroon na makakamit natin kung ano man ang ating hangarin sa buhay.
  Bilang isang estudyante at bilang isang anak ng aking mga magulang, ako'y nagsisikap upang makatapos ng aking pag-aaral. Ngayong ako ay nasa kolehiyo na, mas pinagbubuti ko ang aking pag-aaral nang sa gayon ay makamit o maabot ko ang aking mga pangarap. Pangarap na hindi lamang para sa akin, kundi para makatulong na rin sa aking pamilya at sa ikauunlad ng ating bayan.
     Sampung taon mula ngayon, magagampanan ko na ang aking tungkulin bilang isang anak at mamamayan ng ating bansa. Sampung taon mula ngayon ako'y isa ng kompyuter programmer. May maganda at maayos na trabaho. Trabahong marangal na ginagampanan ko sa isang sikat na kompanya. Nakaupo sa isang malawak na opisina. Gumagawa ng mga programs o aplikasyon para sa isang kompyuter. Nakatutulong na rin ako sa aking pamilya, napag-aaral ko na ang aking kapatid. At nakatutulong na rin ako sa pag-unlad ng ating bansa.
      Haay... kaysarap isipin, kaysarap mangarap, kaysarap makamit ang tagumpay na iyong inaasam sa buhay. 
Sana magkatotoo ang mga ito pagkalipas ng sampung taon.

Sunday, August 7, 2011

SI CRUSH...


 
     Si Crush...  "Nakita ko na naman siya!" napapangiti ako... para bang kumpleto na ang araw ko sa tuwing nakikita ko siya...

     Si Crush ay aking kaibigan. Siya ay isang mabait na tao. Kapag kasama mo siya, palagi siyang nakangiti at mapagbiro. Nakatutuwa siyang pagmasdan at masarap siyang kasama. Siya 'yong taong kahit nahihirapan na, ay iniisip pa rin niya na kaya niya iyon... Maganda si Crush, ngunit crush ko siya hindi dahil sa maganda siya kundi dahil sa kaniyang katangiang hindi madaling mawalan ng pag-asa, pilit na kinakaya ang mga bagay na sa tingin niya ay malalampasan niya. Si crush din ang taong may malaking tiwala sa sarili, hindi lang sa kaniyang sarili kundi pati na rin sa taong mahal niya. Si Crush ay madaling pakisamahan at palakaibigan, basta maging maayos lang ang pakikitungo mo sa kaniya, ganoon din ang gagawin niya sa'yo. Minsan kahit seryoso na ang usapan, sisingit siya sabay patawa.

     Si crush ay kasalukuyang nag-aaral sa Central Luzon State University sa kursong BSIT. Nakatira sa San Jose, Nueva Ecija at isinilang noong December 9, 1993.

     Ilan lamang iyan sa mga katangiang taglay ni Crush na alam ko.. Siguro kapag nakilala ko pa siya nang lubusan ay mas lalo pang iigting ang aming pagkakaibigan.

AKO BILANG ISANG BAGAY...


     Kung ako ay isang bagay, ako ay isang kwaderno o notebook. Notebook na kung saan maaari mong isulat ang lahat ng mga sikreto, problema o lahat ng iyong hinanakit o nararamdaman. Ngunit ito'y dapat iyong ingatan upang ikaw at ang notebook lang nakakaalam ng lahat ng nakasulat sa bawat pahina nito.

         Maihahalintulad ko ito sa aking sarili, dahil maaari mong ibahagi sa akin ang lahat ng iyong mga problema o mga sikreto sa iyong buhay. Mapagkakatiwalaan mo ako sa lahat ng oras. Mananatiling tikom ang aking bibig at makakaasa kang ang lahat ng iyong ibinahagi sa akin ay hindi malalaman ninuman.

  Alam ko na sa paglipas ng panahon ang mga tinta ng bolpen na iyong ginamit sa pagsusulat dito ay maglalaho o kaya naman ay iyong pinunit ang mga pahina nito o maaaring ito ay iyong sinunog... ngunit sa akin, ang mga lihim ay mananatiling lihim, kung ikaw ay may problema o hinanakit, lumapit ka lang sa akin maaaring ako'y makatulong sa iyong pinagdadaanan,

      Kung ako'y nakilala mo na nang lubusan dapat mo akong pahalagahan upang sa gayon ay magkasundo tayo, at mapahalagahan natin ang isa't isa bilang magkaibigan.